BALANGA CITY, Bataan, Philippines – Kinumpirma kahapon sa media ni Bataan police director Sr. Supt. Arnold Gunnacao na dalawang beses nagpabalik-balik na nagtago si Retired Army Gen. Jovito Palparan sa loob ng Peninsula ng lalawigan ng Bataan.
Ayon kay Gunnacao, nitong nakaraang linggo lamang ay namataan umano sa isang resort sa bayan ng Bagac si Palparan.
Isang concerned citizen daw ang nag-text na nakita si Palparan sa Bagac at pagkatapos ay lumipat daw sa Morong kung saan nagpalipas ng gabi.
Agad na inatasan ni Gunnacao ang kanyang mga tauhan na manmanan ang dating heneral at hulihin pero mabilis na nakaalis ang heneral bago makarating ang mga awtoridad.
Sumunod na nakita si Palparan sa bayan ng Abucay kung saan isang text din ang natanggap niya na nagpalipas din ito ng gabi kaya lamang hindi rin inabutan ng mga pulisya nang papuntahan niya ito.
Sinabi ni Gunnacao, dating mga tauhan ni Palparan ang kanyang nilalapitan ngayon dahil naging pinuno siya ng Army sa Bataan ng ang ranggo pa nito ay Major noong 80’s, kapanahunan umano ni dating Pangulong Marcos.
Nagtatago si Palparan matapos maglabas ang Bulacan Regional Trial Court ng arrest warrant laban sa kanya. Sa kasalukuyan, nagpataw ng halagang P1 milyon ang pamahalaan ni Aquino sa ulo ng dating heneral sa mabilisang ikakadakip dito.