SAMAL, Bataan ,Philippines – Tatlo ang nasawi, samantalang tatlo pa ang malubhang nasugatan matapos na magsalpukan ang isang motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng Mac Arthur Highway Brgy. Tabing Ilog, Samal, Bataan kamakalawa ng madaling-araw.
Kinilala ni Sr. Inspector Jansky Andrew Jaafar, hepe ng Samal Police Station ang mga biktima na sina Michael Villadolid, Federico Altechie, kapwa nakatira sa Brgy. Calaguiman at Roel Rubiano, 17-anyos, ng Barangay Mabatang.
Samantalang sugatan naman sina Esperanza Estrella, 51; Maria Austria, 64 at Leonida Rubiano, pawang residente sa Brgy. Mabatang Abucay.
Ayon sa ulat, dakong alas- 2:25 ng madaling-araw mabilis na tinatahak ni Roel kasama sina Esperanza, Maria at Leonida sakay ng isang tricycle (RZ-2998) at patungo sa direksyon ng Orani galing Mabatang at pagsapit sa kurbadang daan sa Brgy. Tabing Ilog, Samal sinakop ng motorsiklong ROSI na walang plaka na minamaneho ni Michael angkas si Federico ang daraanan ng tricycle dahilan para magkasalpukan ang mga ito.
Kapwa wasak ang dalawang sasakyan habang galos at bugbog sa iba’t ibang parte ng katawan ang tinamo ng tatlong babae.