Pamangkin ng ex-vice mayor, bodyguard nilikida

BATANGAS, Philippines – Sumunod na rin sa hukay ang pamangkin ng ex-Batangas vice mayor at ang bodyguard nito matapos tambangan sa bayan ng Talisay, Batangas kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director ang mga napatay na sina Dan August Manimtim, 33, pamangkin ni ex-Talisay Vice Mayor Florencio “Jojie” Manimtim, Jr. ng Talisay at bodyguard nitong si Joel Caringal, 34.

Lumilitaw na lulan ng Honda Civic (URP-932) sina Manimtim at Caringal nang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng highway sa bahagi ng Barangay Tumauay bandang alas-7:45 ng umaga.

Matapos ang ilang oras, nakipagbarilan at napatay naman sa checkpoint ng mga operatiba ng pulisya ang mga gunmen pagsapit sa Barangay Pagaspas, Tanauan City habang sakay ng Mitsubishi Lancer (WEZ-403).

Kinilala ang mga napatay na sina PO3 Mario Macauba, isang na-dismiss na pulis mula sa Batangas PNP Provincial Office at Efren Reyes Jr.

Narekober sa dalawang napatay ang cal. 357 Magnum revolver at AK-47 rifle.

Si Vice Mayor Florencio Manimtim, Jr ay binaril ng mga di-kilalang lalaki sa bisinidad ng Mall of Asia sa Pasay City noong Disyembre 12, 2011 kung saan namatay makalipas ang apat na araw. Arnell Ozaeta at Joy Cantos

Show comments