Yaya tiklo sa pagdukot sa alaga

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na yaya kaugnay ng pagdukot sa isang taong gulang na batang lalaking anak ng kaniyang amo matapos itong makorner ng tumugis na pulisya habang lulan ng tricycle tangay ang paslit sa Brgy. Bata, Bacolod City, kamakalawa ng gab.

Ang suspek na itinago sa pangalang Maria ay residente ng bayan ng Calatrava, Negros Occidental.

Sa ulat ng Bacolod City Police, bandang alas-10 ng gabi ng masukol ang nasabing yaya habang tangay ang alaga nito sa isang tricycle sa nasabing lugar.

Sa pahayag sa mga awtoridad ni Niña Tolentino, ina ng bata, residente ng Gardenville Subdivision, Brgy. Tangub, Bacolod City pasado alas- 6 ng gabi ng umuwi siya sa kanilang tahanan pero nawawala na si Maria at ang kaniyang bunsong anak.

Agad na nagsuplong ang ginang sa pulisya na agad naglatag ng operation laban sa yaya kung saan nasukol ito habang lulan ng tricycle upang itakas ang alaga.

Isa namang concerned citizen ang nakapagturo sa nasa­bing teenager base na rin sa deskripsyon ng ina nito na may nakita silang dalagita na may dalang batang lalaking umiiyak patungo sa pantalan pero umalis dahilan wala ng biyahe ng barko patungong Iloilo.

Ang tricycle umano ay patungo sa direksyon ng Silay City kaya agad itong hinabol ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasakote sa suspek.

Isinailalim naman sa kustodya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na nahaharap sa kasong kidnapping.

Show comments