Shootout: 2 holdaper utas

Cavite ,Philippines — Patay ang dalawang hinihinalang notoryus na holdaper habang malubha namang nasu­gatan ang isang pulis sa naganap ng shootout sa Dasmariñas City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Sr. Supt. John Bulalacao, Cavite Police Director ang nasugatang pulis na si PO1 Richmond Anico, nakatalaga sa  Cavite PNP Intelligence Office

Ayon sa report, napansin umano ng sekyu ng  Hotel de Glorias na tinutuluyan ng mga Koreanong golfer sa Governor Drive, Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City ang pagpasok ng tatlong mga armadong suspek na may dalang mga baril at packaging tape bandang alas-4 ng madaling-araw.

Agad namang ini-report ng guwardiya sa pulisya ang insidente kung saan mabilis na naka-responde sina PO1 Anico kasama sina  Supt. Romeo Baleros at Chief Inspector Gil Torralba na nagkataong nagsasagawa ng anti-narcotics operations malapit sa hotel.

Subalit papalapit palang ang mga pulis sa hotel, bigla na silang pinaputukan ng mga suspek kung saan tinamaan sa dibdib si  Anico na isinugod sa Asian Medic Hospital sa Dasmariñas City.

Agad na gumanti ang mga awtoridad hanggang sa mapatay ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek pero nagawang makatakas ng isa pa ng mga itong kasamahan na sumakay ng motorsiklo. Narekober sa lugar ang dalawang cal. 38 revolver at mga bala.

Show comments