Hepe ng Gapo PNP inireklamo
OLONGAPO CITY, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang hepe ng pulisya sa Olongapo City matapos magpaabot ng reklamo ang pitong sibilyang inaresto at ikinulong ng tatlong araw ng walang kaukulang kaso na isinampa sa korte sa nabanggit na lungsod. Kabilang sa mga biktimang magsasampa ng kasong illegal detention laban kay P/Senior Supt. Christopher Tambugan at ilang pulis ay sina Eduardo Alico, Ricardo Montery, Renato Cortez, Avelino Castillo, Isidro Edejer, Joseph Binusa, at si Roger Estrella. Lumilitaw na sinalakay ng pulisya sa pamumuno ni Tambugan ang tupadahan na sinasabing si Liloy Fernandez ang itinuturong operator at financier sa Barangay Barreto sa nasabing lungsod noong Disyembre 30, 2011 kung saan inaresto at ikinulong ang pitong biktima. Base sa mga nagrereklamo na pinakawalan lamang sila noong Enero 2 kung saan walang anumang kasong kriminal ang isinampa sa prosecutor's office. Hindi naman makontak para magbigay ng paliwanag si Tambugan kaugnay sa nasabing isyu. Alex Galang at Randy Datu
- Latest
- Trending