4 preso sugatan sa jail riot
MANILA, Philippines - Apat na preso ang iniulat na nasugatan matapos na sumiklab ang riot sa loob ng bilangguan ng Bureau of Jail Management and Penology noong Lunes sa Iloilo City. Isinugod sa Western Visayas Medical Center ang mga sugatang sina Jade Remuyo, 27; Edison Pago, 33; Rey Cataluna , 25; at si Elmer Delgado, 34, pawang nahaharap sa mga kasong murder, frustrated murder, illegal possession of firearms at illegal drugs. Batay sa imbestigasyon, dakong alas-6 ng umaga nang sumiklab ang pagtatalo at kaguluhan ng mga inmate sa kanilang Christmas party noong linggo ng gabi. Lumilitaw na nagalit ang presong si Joel Barsibas dahil tinanggal ito ni Delgado bilang adviser ng kanilang grupo kung saan kumuha ito ng gunting at sinaksak ang huli. Sa puntong ito ay nagkagulo ang mga inmate na supporter nina Delgado at Barsibas na ikinasugat ng mga biktima. Bunga ng insidente ay isinailalim sa imbestigasyon ang anim na bantay-piitan habang nalagay naman sa balag ng alanganin ang jailwarden sa nasabing piitan.
- Latest
- Trending