4 Tsino tiklo sa pagmimina
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Apat na Tsino ang inaresto ng pulisya matapos maaktuhan na nagsasagawa ng iligal na pagmimina sa Barangay Auog sa bayan ng Cordon, Isabela, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang dalawa sa apat na suspek na sina Zong Guang Hua at Wu Hui, pawang pansamantalang naninirahan sa nasabing bayan.
Ayon kay Mayor Laurencio Zuniega, natuklasan na ang mga suspek ay nagsasagawa ng paghuhukay sa gilid ng Diadi River na kahit walang kaukulang dokumento mula sa Department of Environment and National Resources at Mines Geoscience Bureau at maging sa mga opisyal ng barangay o kaya sa lokal na pamahalaan sa bayan ng Cordon.
Lumilitaw na nagalit ang mga residente malapit sa lugar dahil sa ingay ng mga malalaking makinarya na umaandar lalo na sa gabi kung kaya naghain sila ng reklamo.
Nabatid na ginto ang target ng mga dayuhan kaya pilit nilang tinitibag ang gilid ng ilog kung saan sinasabing may nakabaong kayamanan.
Samantala, pansamantalang nakalaya na ang mga Tsino matapos magbayad ng kaukulang piyansa at ipinatigil ang kanilang operasyon dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.
- Latest
- Trending