MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan sa naganap na barilan sa bahagi ng Barangay Wasian sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Caraga PNP spokesman P/Senior Supt. Martin Gamba, ang napatay na si Crispiniano Dumayas, 26, minero; at isa sa grupo ng gunmen na nabaril ni Chairman Eduardo de Paz ng Barangay Wasian at ABC president.
Sugatan naman sina Chairman de Paz at biyenan nitong si Norma Pugay na may-ari ng JK Chua Store at car wash kung saan naisugod sa Davao Regional Hospital sa Tagum City.
Bandang alas-7:30 ng umaga nang sumiklab ang barilan matapos ratratin ng gunmen ang mga biktima na nag-aalmusal.
Nagawa namang makipagbarilan ni Chairman de Paz kung saan nasapul ang isa sa mga ito.
Mabilis na nagsitakas ng gunmen kung saan inabandona ang isa nilang kasamahang napatay.
Narekober ang 28 basyo ng bala ng cal. 45 pistol, 13 bala ng nasabing armas, pulang helmet, asul na motorsiklo at iba pa.