Pension house binomba: 3 utas, 27 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang miyembro ng Philippine Marine ang nasawi habang 27 pa ang nasugatan na karamihan ay mga panauhin sa isang kasalan matapos sumabog ang bomba na itinanim sa pension house kamakalawa ng gabi sa Zamboanga City.
Sa phone interview, kinilala ni Zamboanga City PNP director P/Senior Supt. Edwin de Ocampo ang mga nasawi na sina Roel Barcelona, Sgt. Fidel Aguias ng Philippine Marines at isang tinukoy lamang sa pangalang Mariz.
Napag-alamang si Mariz ay idineklarang patay sa pagamutan, namatay naman ang isa habang ginagamot, narekober naman sa pinangyarihan ng pagsabog ang bangkay ni Sgt. Aguias kahapon ng umaga.
Kabilang din sa mga sugatan ay sina Carlo Lanipa, misis nito at kapatid na babae ng ikakasal.
Naganap ang pagsabog sa ikalawang palapag ng pension house bandang alas-9:30 ng gabi kung saan dalawang gusali ng Atilano Pension House sa Brgy. Canelar ang nawasak at nasunog.
Nabatid na karamihan sa mga bisitang nagmula pa sa Pagadian City sa kasalan ng anak ni Claro Lanipa, kawani ng Philippine Information Agency na itinakda kahapon kung saan tumuloy sa pension hotel.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team.
- Latest
- Trending