MANILA, Philippines - Isang brodkaster ng Bombo Radyo ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem sa naganap na ambush sa Cagayan de Oro City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Cagayan de Oro City Police Director P/Sr. Supt. Gerardo Rosales ang biktima na si Michael James Licuanan, alyas Bombo James, chief of reporter ng Bombo Radyo-Cagayan de Oro.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Rosales bandang alas-9:30 ng gabi kalalabas lamang ng biktima sa kaniyang programa sa himpilan ng Bombo Radyo sa Cogon District ng mangyari ang pananambang sa kahabaan ng Ebarli Street ng lungsod.
Bigla na lamang sumulpot sa lugar ang riding in tandem na kapwa nakasuot ng kulay itim na jacket at agad na pinaputukan ng backrider na armado ng cal. 45 pistol ang biktima pero nagmintis ang unang putok ng baril kaya nagawa pang makatakbo ni Licuanan pero hinabol ito at nabaril sa kaliwang tagiliran na naglagos sa kaniyang tiyan.
Duguang napalupasay sa kalye ang biktima habang mabilis namang tumakas ang mga suspek. Ang biktima ay isinugod sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) sa lungsod ng Cagayan at isinailalim sa operasyon. Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad na may kinalaman sa trabaho ang pamamaril sa biktima at inilabas na rin ang artist sketch ng mga suspek.