BATANGAS, Philippines – Bilangguan ang binagsakan ng isang pulis na sinasabing pumatay sa kapwa pulis matapos maaresto sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kahapon ng umaga sa bayan ng Agoncillo, Batangas.
Kinilala ni P/Chief Insp. Jay Agcaoili, hepe ng CIDG-Batangas ang suspek na si P02 Lino Matira, 36, ng Barangay San Jacinto sa nasabing bayan at naka-assign sa Taal PNP station.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cynthia Ricablanca ng Sta. Cruz Regional Trial Court, 4th Judicial Region, Branch 27 sa Laguna, sinalakay ng mga elemento ng CIDG ang barracks, kotse at bahay ni PO2 Matira kung saan nakumpiska ang ibat-ibang uri ng baril at mga bala.
Kabilang sa mga nakumpiska kay PO2 Matira ay dalawang cal. 45 pistol, 5 magazine, mga bala, 3 granada, cal. 22 rifle, dalawang 9-mm pistol, mga bala at magazine, shotgun, balisong, rifle grenade, 2 bonnet, plate number ng sasakyan (WJG-631) at 2 bullet proof vest.
Ayon sa police report, inaresto si PO2 Matira matapos ituro ng isang saksi na bumaril at nakapatay kay PO3 Noel Villalobos noong Sabado ng umaga (Nob. 12) Base sa ulat, si PO3 Villalobos ay nagpapa change oil ng kanyang Honda Civic (WAJ-388) sa may Bonifacio Street, Barangay Lucky, sa bayan ng Lemery, Batangas nang lapitan at ratratin ng dalawang lalaki.
Nabatid na nagalit kay PO3 Villalobos ang suspek matapos kumpiskahin ng grupo ni PO3 Villalobos ang mga makina ng video karera ni PO2 Matira. Kasalukuyang nakapiit si PO2 Matira sa CIDG detention cell sa Camp Miguel Malvar.