Hapones nalunod

MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang masayang bakasyon ng pamilya matapos malunod ang isang Hapones sa karagatan ng Barangay Tubuan sa bayan ng Labrador, Pangasinan kamakalawa. Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, kinilala ang nasawi na si Hideo Noda, 52 , bakasyunista sa Covelandia Resort kasama ang misis nitong Pinay na si Karen Bautista, 27; at dalawang anak. Lumilitaw na nag-check-in sa nasabing resort ang pamilya ng Hapones kung saan inokupa ang Room 307 noong Martes ng umaga. Matapos mananghalian ay uminom ng alak ang biktima kung saan nag-swimming na ang pamilya sa karagatan hanggang sa bumalik na ang mag-iina at naiwang nag-iisa sa beach ang Hapones. Ilang saglit pa ay napansin ng lifeguard na si Alvin Soriano na nagsisigawan ang mga tao sa beach dahil ang biktima ay nagkakawag sa dagat. Mabilis na sumaklolo si Soriano at sinagip ang biktima pero nabigong maisalba ang buhay sa Labrador Community Hospital.

Show comments