6 ex-NPA gun-for-hire, tiklo
MANILA, Philippines - Anim na mga dating rebeldeng New People’s Army na naging gun-for-hire ang nasakote ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal at Batangas kamakalawa. Sa ulat PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., unang bumagsak sa pangkat ni P/Chief Inspector Rey Magdaluyo ang limang dating NPA rebs sa inilatag na raid sa Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal dakong alas-5 ng umaga. Kabilang sa mga suspek na nadakma ay sina Christopher Bermejo, 22; Lito Bermejo, 30; Prisco Bermejo, 67; Rene Bermejo, 23; at si Leoncio Bermejo na pawang may warrant of arrest mula sa Catanduanes Regional Trial Court kaugnay sa pagpatay kina Araojo at Nestor Eustaquio sa bayan ng Karamuran, Catanduanes noong Agosto 2010. Samantala, isa pang kasapi ng gun-for-hire gang na si Randy Carandang, 36, dating security guard ang nalambat rin ng CIDG operatives sa Zigzag Hotel sa Barangay Ibabaw sa bayan ng Cuenca, Batangas. Si Carandang ay may warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ng Batangas City Regional Trial Court kaugnay sa pagpatay kay Juan Lontoc ng Batangas City noong Mayo 2011 at sangkot din sa pagpatay sa negosyanteng si Jeffrey Sy sa bayan ng Balayan noong Oktubre 11, 2011.
- Latest
- Trending