CAVITE, Philippines — Anim-katao kabilang ang limang kawani ang hinostage ng apat na armadong kalalakihan sa naganap na bank robbery sa bayan ng Bacoor, Cavite kahapon ng hapon. Sa ulat ni P/Supt. Edgar Roquero, hepe ng Bacoor PNP, dakong alas-12 ng tanghali nang holdapin ng apat na kalalakihan ang Masuwerte Rural Bank sa kahabaan ng Zapote Road.
Kaagad naman rumesponde ang pulisya na may 300 metro lamang ang layo ng himpilan habang nasa loob pa ng banko ang mga holdaper kung saan hinostage ang limang kawani at isang depositor.
Mabilis na binuo ang Crisis Management Committee sa pamumuno nina P/Senior Supt. John Bulalacao at Bacoor Mayor Strike Revilla habang pinamunuan naman ni P/Supt. Red Maranan ang negosasyon. Sa kainitan ng hostage-drama ay pinalaya ng mga holdaper ang bookkeeper ng banko na si Danilo Gonzales dahil sa may sakit na diabetes. Ipinaabot naman ng mga holdaper ang kanilang demand sa pamamagitan ng clerk ng banko na si Luz de la Cruz na palalayain ang mga bihag at susuko sila basta’t mag-pullout lamang ang mga pulis.
“Ayaw naming mamatay at ayaw din naming pumatay, ayaw naming sumuko sa mga pulis, kay Mayor Strike Revilla kami susuko,” pahayag ng isang suspek na nagpakilalang sa pangalang Johnny. Dakong alas-2:44 ng hapon nang sumuko ang mga suspek kung saan pinalaya ang limang bihag kabilang ang isang guwardiya, bank depositor at mga kawani. Iniwan ng mga holdaper ang kanilang mga armas sa loob ng bangko. Kinilala ang mga suspek na sina Libron Escolla, 37; Johnny Lipata, 33, tubong Samar; Edwin Francisco, 48, ng Masbate at Renato Rosales, 35, trike driver, tubong Pangasinan at pawang nakatira sa Parañaque City.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naghahanap ng trabaho ang mga suspek hanggang sa mapagkasunduang mangholdap ng banko.