Shootout: 3 kotongero bulagta
RIZAL, Philippines — Tatlong miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR)/extortion gang ang napaslang makaraang makipagbarilan sa elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER), PNP-Highway Patrol Group at Rizal Provincial Police sa bahagi ng Barangay Macamot sa bayan ng Binangonan, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Efren Bermudez, Sonny Batis at si Virgilio Rayga na sinasabing sangkot din sa pangongotong sa mga mayayamang negosyante sa National Capital Region at mga kanugnog na lalawigan.
Base sa ulat ni P/Senior Supt. Manuel Cesar Prieto, director ng Rizal PPO, lumilitaw na nagsasagawa ng surveillance operations ang mga awtoridad kaugnay ng ulat na pangha-harass ng mga suspek sa negosyanteng si Reynaldo Cabrera nang maispatan ang mga ito lulan ng itim na Toyota Corolla (ZBG 625).
Tinangkang iwasan ng grupo ang checkpoint kaya naman hinabol sila ng mga awtoridad hanggang sa masukol at makipagbarilan ang mga suspek sa bahagi ng Sitio Halang sa nabanggit na barangay.
Si Cabrera ay sinasabing tinatakot ng grupo matapos mag-text na kikidnapin kapag hindi nagbigay ng P.5 milyon na naibaba naman P.2 milyon.
Nagbigay ng pera si Cabrera sa mga suspek pero ini-report niya ito sa pulisya kung saan kaagad nagsagawa ng operasyon.
Narekober sa encounter site ang 4-bungkos na pera at tatlong baril.
- Latest
- Trending