MANILA, Philippines - Patay ang isang Bank Manager at Editor-in-Chief ng isang lokal na pahayagan matapos na pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem ang behikulong sinasakyan nito na sa kamalasan ay nahulog pa sa bangin sa ambush sa matarik na bahagi ng highway ng bayan ng Alicia, Isabela kahapon ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 2 Director Chief Supt. Rodrigo de Gracia ang nasawing biktima na si Johnson Pascual, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Centro, San Agustin, Isabela; Editor-in-chief ng Prime News at bank manager ng FICO (First Isabela Cooperative ) Bank sa Maddela, Quirino.
Ang biktima ay ika-sampung mediamen na pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay de Gracia, bandang alas-7 ng umaga habang nagmamaneho ng kaniyang Isuzu Crosswind (BCX 974) patungo sa kanilang corporate office sa Minante I, Cauyan City nang tambangan ng mga suspek na magkaangkas sa kulay itim na TMX motorcycle na walang plaka sa lugar.
Bunga nito ay nagpagewang-gewang ang takbo ng behikulo ng biktima na sa kamalasan pa ay nahulog sa bangin na siya nitong ikinasawi. Kasalukuyan pang sinisiyasat ang motibo ng krimen.