MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 13 rebelde na may ugnayan sa grupong Abu Sayyaf at dalawang sundalo ng Phil. Marines ang iniulat na napaslang makaraang lusubin ng mga rebelde ang kampo ng militar na nagbabantay sa project site sa bayan ng Tulipao, Sulu kahapon ng madaling-araw.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng mga rebeldeng napatay habang nakilala naman ang dalawang sundalong napatay na sina Corporal Fermin at Private First Class Montes habang ang mga sugatang sundalo na isinakay sa chopper at dinala sa ospital sa Camp Teodolfo Bautista sa Barangay Busbus, Jolo ay nakilalang sina 2nd Lt. Arieta, Corp. Bausa, Corp Ibrondo, PFC Nagales at si Private Dacumos.
Sa ulat ni Brig. Gen. Romeo Tanalgo, commander ng Sulu Island Command, nilusob ng mga armadong rebelde ang detachment ng 30th Marines Company sa ilalim ng Marine Battalion Landing team 10 sa Barangay Kabungkol
Tumagal ng 2-oras ang bakbakan kung saan napatay ang 13 rebelde na sinasabing grupo ng Awliyah at Salip Jainal sa pamumuno ni Hatib Jakariya.
Napag-alamang may 2 kilometro ang layo sa pinagkukutaan ng lider ng MILF rebs na si Habier Malik ang encounter site kung saan hindi naman matiyak ng militar kung kasama sa pag-atake ang grupo ni Malik.
Sumiklab naman ang galit ng mga lider ng Talipao sa mga rebelde dahil inantala nito ang gawain ng military engineers ng klasrum sa kanilang barangay.
Dahil dito, tinawag ng alkalde ang mga miyembro ng civilian volunteer organization na tumulong sa tropa ng military sa pagtugis sa mga rebelde na umatake sa project site subalit pinigilan naman sila ni Tanalgo at sinabing depensahan na lamang ang kanilang barangay at ilang proyekto ng pamahalaan kung saan bahala na ang militar na tumugis sa mga rebelde.