Bus vs trailer truck: 3 patay
GUIGUINTO, Bulacan, Philippines — Maagang kinalawit ni kamatayan ang tatlong babae habang isinugod naman sa dalawang ospital ang hindi pa mabilang na mga pasahero makaraang bumangga ang sinasakyan nilang bus sa isang trailer truck sa isang bahagi ng NLEX sa kasagsagan ng malakas na ulan kahapon ng tanghali.
Kinilala ni P/Supt.Miguel Atienza ang mga nasawi na sina Jehotsheba Medina 32, residente ng Balanga, Bataan; Candice Bondoc 20, ng San Fernando City, Pampanga at isang hindi pa nakikilalang babae na tinatayang nasa edad na 50-52.
Dinala naman ng mga nagrespondeng kagawad ng AeroMed Ambulance Transport sa Polymedic General Hospital sa Brgy. Tabang sa bayang ito upang agad na malapatan ng lunas ang ilan sa mga sugatang sina Stephen Wesley Sison 34, ng Mexico, Pampanga; Francis Abaya 28, teacher ng Sta. Cruz, Ilocos Sur; Abigail Flores 19, ng Sto.Tomas, Pampanga; Roderick Vergara 36, ng Novaliches, Quezon City; Jhumel Medina 30, ng Balanga, Bataan; Carsican Pangilinan 40, ng Lubao, Pampanga; Juanita Langoy 50 at Jennifer Rodrigo 14, kapwa ng Taguig City, at Zion Stephen John Sun 21, Pastor ng Dolores Homes, City of San Fernando, Pampanga; Ruby Anne Dueñas 32, ng Apalit, Pampanga at Noli Mallari 43, ng Guagua, Pampanga habang inaalam pa ang pangalan ng iba pang mga biktima na dinala sa Bulacan Provincial Hospital sa Malolos City.
Agad namang sumuko sa pulisya ang drayber na si Logie Parangat, 34, ng Brgy. Lamayan, Binmaley, Pangasinan.
Base sa imbestigasyon nina SPO1 Mark Manaig at PO2 Adrian Laganga dakong 1:20 ng hapon ay kasalukuyang tinatahak ng Saulog Transport Bus (DXN-467) ang KM. 35 ng NLEX na nasa Brgy. Malis ng naturang bayan patungo sa hilagang direksyon na minamaneho ni Parangat at nasa likurang bahagi ng isang trailer truck (UBM-851) na minamaneho naman ni Elger Cabanero, 30, ng biglang tumbukin ng bus ang likurang bahagi ng trailer truck na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol saka sumalpok sa konkretong pader ng NLEX.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang ilang pasahero sa loob ng bus habang naipit naman sa mga nayuping bahagi ng bus ang tatlong babaeng biktima na naging sanhi ng kanilang kamatayan at nakapiit na ang drayber ng bus na nahaharap sa iba't ibang kaso.
- Latest
- Trending