403 lugar ‘areas of concern’ sa eleksyon
Binabantayan ng AFP
MANILA, Philippines — Mahigpit na binabantayan ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng nalalapit na pagdaraos ng May 12, 2025 midterm elections ang nasa 403 lungsod at munisipalidad na idineklarang ‘areas of concern’.
Ito ang inihayag ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson ng AFP na iginiit na ang militar at pulisya bilang mga deputado ng Comelec ay mahigpit na magbabantay para tiyakin ang mapayapa at malinis na pagdaraos ng halalan.
Ayon kay Padilla sa kabuuang 403 ikinokonsiderang ‘areas of concern’ ay 188 lugar ang nasa kategorya ng dilaw, 177 ang orange at 38 naman ang nasa kategorya ng pula.
Ang mga lugar na isinailalim ng Comelec sa kategorya ng dilaw ay may kasaysayan ng election-related na karahasan, ang orange ay may seryosong armadong banta habang ang pula naman ay may seryosong banta ng karahasan at may mga insidente ng kaguluhan sa tuwing may halalan dulot ng mahigpit na tunggalian ng mga kandidato.
Binigyang diin ni Padilla na ang nasabing mga code sa 403 ‘areas of concern’ ang magsisilbing basehan sa deployment ng AFP troops.
Nasa 18,000 namang AFP personnel ang idedeploy para makatuwang ng PNP personnel sa pangangalaga sa peace and order na naglalayong matiyak ang kasagraduhan ng eleksiyon.
- Latest