TUGUEGARAO CITY, Philippines — Bulagta ang apat na lalaki na pinaniniwalaang notoryus na karnaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa inilatag na checkpoint sa Barangay Tupang sa bayan ng Alcala, Cagayan kahapon ng umaga.
Ayon sa pulisya, naunang hinoldap ng apat ang biktimang si Juanito Ilagan y Talosig, COA supervising auditor habang sakay ng itim na Isuzu Sportivo (BCX-587) sa bahagi ng San Agustine Street, RG village, San Gabriel, Tuguegarao City.
Natangay sa biktima ang kanyang sasakyan kasama na ang mga alahas, laptop, cell phone at hindi nabatid na malaking halaga.
Kaagad naman naiparating sa pulisya ang naganap na insidente kaya mabilis na naglatag ng mga checkpoint kung saan nakalusot sa unang checkpoint ang apat sa bayan ng Amulung.
Dito na namataan ang apat na lulan ng sasakyang itim kung saan tinangkang harangin ng mga nagbabantay na pulis sa checkpoint subalit umalingawngaw ang sunud-sunod na putok mula sa mga holdaper.
Gumanti naman ang mga pulis na nauwi sa madugong bakbakan hanggang sa bumulagta ang apat.
Kasalukuyang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay na holdaper habang nabawi naman ang sasakyan at mga gamit.