Parak huli sa no helmet, no travel policy
MANILA, Philippines - Arestado ang isang pulis matapos itong mahuli habang nagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet sa Bacolod City kamakalawa. Kinilala ang inaresto na si PO2 Marlon de la Peña, nakatalaga sa City Legal Office ng Bacolod City Police. Si de la Peña ay inisyuhan ng violation tickets ni Bacolod City Police Traffic Management Unit (TMU) Chief P/Chief Inspector Luisito Acebuche. Sa ulat ni Bacolod City Police Office Director P/Sr. Supt. Eliseo de la Paz, si de la Peña ay nasakote habang nagmamaneho ng walang suot na helmet sa panulukan ng Gatuslao at Gonzaga Streets sa lungsod dakong alas-6:45 ng gabi. Sa tala ng Bacolod City Police-TMU, simula lamang nitong Martes hanggang kamakalawa ay umaabot sa 151 driver ng motorsiklo at mga angkas ng mga ito ang naisyuhan ng citation tickets dahilan sa paglabag sa city ordinance 476 o ang “No helmet, no travel policy".
- Latest
- Trending