Extortionist dedo sa shootout
BATANGAS ,Philippines — Nagwakas ang modus operandi ng isa sa miyembro ng gun-for-hire at extortion group matapos makipagbarilan sa mga pulis kamakalawa ng umaga sa bayan ng Rosario, Batangas.
Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio ang napatay na si Jose Berlin Blanco, 32, ng Barangay Cuta Duluhan, Batangas City.
Ayon sa report, napatay si Blanco habang tumatanggap ng protection money mula sa may-ari ng puneraria sa Padre Garcia na si Nestor Ilao.
Lumilitaw na kinausap ni Blanco si Ilao na sinabihang makipagkita sa fastfood chain sa Rosario at magbigay ng P100,000 para hindi na siya patayin ng grupo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang nilapitan si Ilao ng grupo ni Blanco para sabihang may umupa sa kanila na may-ari rin ng puneraria na patayin siya sa halagang P150,000.
Nakumbinsi ni Blanco si Ilao na magbigay ng P150,000 noong nakaraang linggo para hindi na siya patayin ng grupo subalit makalipas ang ilang araw, nanghihingi na naman ng P100,000 ang grupo ni Blanco kay Ilao bilang karagdagang bayad kaya nagsumbong na ito sa pulisya.
Inilatag ang entrapment operation laban sa grupo kung saan napatay sa shootout si Blanco.
Narekober ng pulisya ang cal. 45 pistola habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan ni Blanco.
- Latest
- Trending