7 pulis sugatan sa atake ng NPA
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Limang pulis ang iniulat na nasugatan makaraang makipagsagupaan sa pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army ang himpilan ng pulisya sa Barangay Poblacion sa bayan ng Mobo, Masbate kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga sugatang pulis na naisugod sa ospital ay sina SPO1 Arturo Mendoza, PO2 Antonio Tidon, PO2 Bernardino Altajeros, PO1 Judy Villamor, PO1 Marwin Marcellana, PO1 Baldwin Huyo-a at si PO2 Ernie Concepcion.
Sa ulat na nakarating kay P/Chief Supt. Cecelio Calleja Jr., nakasout ng camouflage ang mga rebelde nang salakayin ang himpilan ng pulisya sa municipal compound.
Nakipagsagupaan naman ang pangkat ng pulisya sa pangunguna ng kanilang hepe na si P/Senior Insp. Leus Anselmo Prima na tumagal ng isang oras na bakbakan.
Nabatid na sumaklolo naman ang pangkat ni P/Senior Insp. Dennis Balla subalit pagdating sa tulay ng Sitio Matungaw sa Barangay Tugbo ay sumabog ang landmine kung saan nasugatan si PO1 Huyo-a.
Maging ang pangkat ni P/Senior Supt. Thomas Semeniano na nagmula pa sa bayan ng sa Pio V. Corpuz ay sumaklolo na rin subalit tinamaan ng pagsabog ng landmine kung saan nasugatan si PO2 Concepcion. Umatras naman ang mga rebelde bitbit ang kanilang mga sugatang kadre matapos mamataan ang tropa ng pulisya at militar na paparating.
- Latest
- Trending