3 nalibing sa landslide
MANILA, Philippines - Nilamon ng lupa ang 3-katao habang aabot naman sa 100 residente ang naapektuhan sa magkahalong pananalasa ng landslide at flashflood sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat noong Biyernes ng hapon.
Ayon kay regional director P/Chief Supt. Benjardi Mantele, dakong alas-5:35 ng hapon ng rumagasa ang magkasunod na flashflood at landslide sa paanan ng bundok sa Purok 10, Brgy. Kinayao.
Narekober ang bangkay ng 49-anyos na si Teresita Albancis samantala, natagpuan naman ang bangkay ni Christinel Olivar kahapon ng umaga na natabunan sa landslide.
Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang nawawalang 3-anyos na batang babae na si KC Albansis na biktima rin ng landslide.
Sugatan naman sina Marcelita Catitista, 47; at Mariel Catitista, 12.
Aabot sa 15 kabahayan ang napinsala kung saan naapektuhan rin ang mga alagang hayop, kabilang ang 6 mga nawawalang baka.
Kasalukuyang nasa Brgy. Hall at Day Care Center sa Brgy. Kinayao ang 105 residente na inilikas.
- Latest
- Trending