BULACAN, Philippines – Napaslang ang tumatayong bodyguard ng alkalde habang apat-katao naman ang nasugatan matapos magbarilan ang ilang security escort sa loob ng opisina ng mayor sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. , Bulacan PNP director, kinilala ang napatay na si Danilo “Danny” Bana, 50, ng Barangay Malis, isa sa mga security escort sa loob ng 10 taon ni Guiguinto Mayor Isagani Pascual.
Nakaligtas naman sa pamamaril si Mayor Pascual na nagkataong nasa loob ng kaniyang opisina nang maganap insidente.
Kabilang sa mga nasugatang naisugod sa Bulacan Polymedic Hospital ay sina Atty. Edwin Cerezo, municipal legal officer; PO1 Michael Mendoza, Eduardo Pregino, bodyguard din ng alkalde, at isa pang kaibigan ng alkalde na nakilala lamang sa pangalang Jonjon.
Bago ang insidente, sinasabing kinastigo ni Mayor Pascual si Bana kahapon ng umaga dahil sa kapalpakang nagawa nitong pagkakamali na tumanggi namang idetalye ng opisyal.
Ayon sa imbestigasyon, sinasabing lango sa alak na pumasok si Bana sa tanggapan ni Mayor Pascual at bigla na lamang namaril sa mga taong inabutan nito kung saan bunga ng insidente ay napilitan naman ang mga kasamahan nitong security escorts na gumanti.
“Ang alam ko ay nagpang-abot sina Bana at Pregino bago magkaputukan,” pahayag naman ni Mayor Pascual.
Tumagal ng 5-minuto ang putukan na nagsimula bandang alas-3:20 ng hapon habang patuloy naman ang imbestigasyon.