Kinidnap na mayor 'di-nagbayad ng PTC
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang hindi nagbayad ng Permit to Campaign (PTC) fees si Lingig Mayor Henry Dano na ipinapataw ng mga rebeldeng New People’s Army sa mga kandidatong nangangampanya noong May 2010 elections kaya dinukot ito kasama ang dalawang Army escort sa Surigao del Sur noong Sabado.
Ito ang inihayag kahapon ni P/Chief Supt. Reynaldo Rafal, director ng Caraga PNP sa ambush interview sa ginanap na ika-110 taong Police Service Anniversary sa Camp Crame.
Lumilitaw na isa sa pangunahing motibo ang sinisilip ng mga awtoridad sa pagbihag kay Mayor Dano ay hindi pagbabayad ng PTC fees sa NPA noon pang May 2010 elections at ang ikalawa ay ang hindi nito pagbabayad ng revolutionary tax mula sa kaniyang mga negosyong minahan, fishing at logging.
Si Dano at ang mga security escort na sina Corporal Alrey Desamparad at Pfc. Allan Saban na kapwa miyembro ng Army’s 75th Infantry Battalion ay binihag ng mga rebeldeng nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigation matapos kumatok sa gate ng tahanan ng alkalde sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur noong Sabado ng umaga.
Nasa maayos namang kalagayan ng mayor at dalawang escort nito kung saan ay wala pang ipinararating na demand letter sa pamilya Dano.
Kidnaper ni mayor tiklo sa checkpoint
Isa sa mga kidnaper na bumihag kay Mayor Dano at 2-security escorts nito ang nadakma ng pulisya sa checkpoint sa Crossing Cuevas, Trento, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon.
Ayon kay P/Senior Supt. Martin Gamba, sumasailalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Jerry Rodina na sinasabing nakumpiskahan ng pampasabog matapos madakma ng 133rd Regional Public Safety Company at 13th Regional Public Safety Battalion kaugnay ng search and rescue mission.
Base sa pinakahuling impormasyon ang alkalde ay huling naisapatan habang kinakaladkad ng mga rebelde sa bahagi ng kagubatan ng Sitio Tamsehan, Brgy. Pagtilaan.
Kaugnay nito, binigyan na rin ng security escorts ang pamilya ng alkalde.
- Latest
- Trending