Kaso ng dengue sa Lucena, tumaas
QUEZON, Philippines — Umabot na sa 166 ang naitalang kaso ng dengue habang aabot naman sa 347 ang kabuuang dinapuan nito simula noong Enero hanggang Hulyo 2011 sa Lucena City, Quezon.
Apat na ang iniulat na nasawi kung saan ang pinakahuling namatay na isang 12-anyos mula sa Purok Matahimik sa Barangay Cotta noong Hulyo 18 na idineklarang dengue outbreak.
Apektado ng dengue ang 27 barangay habang anim namang barangay kabilang na ang Barangay Ilayang Talim, Mayao Parada, Ransohan, Salinas at ang Barangay Talao-talao ang walang kaso ng dengue.
Ayon kay Dr. Vincent Martinez, asst. city health officer, kabilang sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue ay ang mga Barangay Ibabang Dupay, 25; Cotta, 23; Gulang-gulang, 23; Ibabang Iyam, 20; Mayao Kanluran, 15; at Barangay Isabang, 10.
Ang nasabing ulat ay mas mataas ng 92 porsyento kumpara sa nakalipas na limang taon.
Nananawagan si Dr. Martinez na ugaliing linisin ang loob ng bahay na maaring pamahayan ng kiti-kiti dahil ang malaking porsyento ng lamok na nagtataglay ng virus na dulot ng dengue ay mula sa loob ng tahanan.
Hiniling din ng CHO na muling buhayin ang Barangay Health Emergency Response Team upang maging kaagapay laban sa dengue.
- Latest
- Trending
















