MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P15 milyong ransom ang hinihingi ng mga armadong grupo ng Abu Sayyaf kapalit ng pagpapalaya sa dinukot na 57-anyos na midwife sa bayan ng Indanan, Sulu noong Miyerkules.
Kasabay nito, nagbanta ang grupo na pupugutan ng ulo ang bihag na si Evangeline Taverisma ng Barangay Asturlas, Jolo, Sulu kapag nabigo ang pamilya nito na magbayad ng ransom.
Batay sa ulat, ang nasabing demand ay ipinarating ng mga kidnaper kay ARMM Regional Health Secretary Khadil Sinolindeng.
Nabatid na palipat-lipat ng taguan sina Sayyaf Commander Palu at Nasir Timbang sa biktimang asawa ng retiradong sundalo ng Philippine Army.
Patuloy naman ang search and rescue operations sa nalalabi pang kidnap victim bukod kay Taverisma ay kinabibilangan pa ng 2 tripulante ng Mega fishing, isang Malaysian trader na si Mohd Nazarudin Saridin na binihag noong Mayo at isa ring negosyanteng Bumbay na si Biju Kolara Veetil na dinukot naman noong Hunyo.