Nene natagpuang nakabusal, nakagapos

MANILA, Philippines - Isang 6-anyos na batang babae na pinaniniwalaang biktima ng kidnapping ang natagpuang nakabusal ang bunganga at nakagapos ang mga kamay sa San Nicolas, Ilocos Norte kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng San Nicolas Police, ang bata na nasa ‘state of shock’ na nag-iiyak pa at halos hindi makausap ay itinago sa pangalang Princess.

Bandang alas-4 ng hapon ng matagpuan ang bata na basang-basa sa ulan, nanginginig pa ang buong katawan , may takip ng packaging tape sa bu­nganga at nakagapos ang mga kamay sa Brgy. 24 ng bayang ito.

Ayon sa pahayag ng ilang nakasaksi, mga kalalakihang nakasakay sa tricycle ang nag-abandona sa bata sa lugar pero hindi na nila nakilala pa ang mga ito na nagmamadaling tumalilis.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng pulisya ang posibilidad na biktima ng kidnapping ang bata.

Show comments