Tindahan binomba: Fotog lasog, 10 sugatan
KIDAPAWAN CITY, Philippines - Nalasog ang katawan ng isang 53-anyos na photographer habang sampu naman ang iniulat na nasugatan matapos pasabugin ang tindahan ng baril sa Quezon Avenue, Parang Road, Cotabato City kahapon ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Roberto Badian ang nasawi na si Gemana “Jimmy” Ali, photographer sa Poblacion 7.
Apat sa mga nasugatan ay kinilalang sina Nancy Lagamon, Datu Ike Karudin, Delio Tumandag, Cherry Danoshiya na pawang naisugod sa ospital.
Karamihan sa mga sugatan ay mga pasahero ng van na nagkataong dumaan sa erya nang sumabog ang bomba.
Sa ulat naman ni Col. Alexander Balutan, commander ng 1st Marine Brigade, nag-panic ang mga taong nasa bisinidad kung saan ay nagkabalyahan at tulakan sa pagmamadaling makalayo sa blast site.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:10 ng hapon ng sumabog ang itinanim na improvised explosive device sa harapan ng CWAT Gun Store malapit sa Yuan Diagnostic Laboratory.
Ayon sa Joint Task Force Kutawato, inilagay ang bomba sa motorsiklo na nakaparada sa nasabing lugar kung saan itinaon sa ikalawang araw ng Ramadan.
Agad na kinordon ng mga awtoridad ang erya dahil sa ulat na baka may isa pang bomba na itinanim na posibleng sumabog.
- Latest
- Trending