7 Marines bulagta sa Sayyaf
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa pitong sundalo ng Philippine Marines ang iniulat na napaslang habang 21 iba pa ang nasugatan matapos sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at grupo ng teroristang Abu Sayyaf sa kagubatan ng Patikul, Sulu kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Lt. Col. Randolph Cabangbang, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang makasagupa ng Marine Battalion Landing Team 11 ang grupo ng Abu Sayyaf sa liblib na bahagi ng nasabing bayan.
Kaagad naman humingi ng air asset at air support si Sulu Island Commander Brig. Gen. Romeo Tanalgo para madala sa ospital ang mga sugatang sundalo at maialis ang mga napaslang kabilang ang isang junior officer na hindi muna pinangalanan dahil kailangan pang impormahan ang pamilya nito.
Nabatid sa ulat na tumagal ng 5-oras o hanggang alas-9:30 ng umaga ang engkuwentro.
Nagawang pasukin ng tropa ng Philippine Marines ang kampo ng Abu Sayyaf subalit nasukol ang mga sundalo dahil nasa mataas na bahagi ng nasabing bulubunduking ang mga terorista.
Base sa ulat, inimplementa ng militar ang Operation Plan Wildfinger sa ilalim ng Operation Five Finger upang durugin ang grupo nina Kumander Hapilon at Sahiron na kapwa nalalabing hardcore na lider ng Abu Sayyaf at kabilang sa mga most wanted na terorista ng Pilipinas kung saan may nakalaang $5M reward mula Estados Unidos.
Pinaniniwalaan namang nalagasan din ng puwersa ang Abu Sayyaf habang patuloy ang clearing operation.
- Latest
- Trending