Milyunaryong trader nilikida

Manila, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa isang 69-anyos na maimpluwensyang  negosyante makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding assassin  sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Mandaue City, Cebu noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang napaslang na si Antonio “Tony” Ouano, 69, nagtamo ng apat na tama ng bala sa kaliwang kamay, kaliwang dibdib at dalawa sa tiyan kung saan binawian ng buhay sa Mandaue City Hospital.

Sa ulat ng Mandaue City Police, naganap ang krimen sa intersection na may ilang metro lamang mula sa Cebu International Convention Center bandang alas-2:15 ng hapon.

Kasalukuyang minamaneho ng biktima ng kaniyang  kulay dilaw na Toyota Hi-lux pick-up kasama ang kaniyang secretary na si Nene Mangubat nang dikitan at ratratin ng motorcycle-riding gunmen.

Hindi naman nasugatan si Mangubat sa pamamaril.

Ayon kay P/Insp. Ramil Morpos, hepe ng Homicide Section, nabatid na katatapos lang dumalo sa mediation meeting sa Pa­lace of justice sa Guizo ang biktima at patungo sana sa isa pang hearing sa Regional Trial Court Branch 28 kaugnay sa kaso ng kanyang kapatid na babae sa tapat ng Mandaue City Hall nang makasalubong si kamatayan.

Ang biktima ay contractor at administrator ng Ouano Wharf kung saan maraming ferry boat na bumibiyahe sa Mactan Channel at may-ari rin ng arrastre firm.

Maging ang lupaing kinatitirikan ng Gaisano Country Mall sa Banilad ay pag-aari ng biktima na sinasabing second-degree cousin ni Provincial Board member Thadeo Ouano.

Kaugnay nito, bumuo na ang pulisya ng Task Force Ouano upang imbestigahan ang insidente.

Show comments