MANILA, Philippines - Dahil sa matinding selos at agawan sa mamanahin ng anak na babaeng ikakasal, pinagtataga hanggang sa mapatay ang 33-anyos na misis ng kaniyang mister sa Barangay Lampitak sa bayan ng Tampakan, South Cotabato kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Lilibeth Dayem, mula sa tribo ng B’laan habang sumuko naman sa kinuukulang ahensya ng pamahalaan ang suspek na si Rudy Dayem, 38.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na sobrang nagselos ang suspek dahil may ibang kinakasama ang kaniyang asawa matapos silang maghiwalay.
Bukod sa selos ay nag-aagawan ang dalawa sa makukuhang dowry ng kanilang anak na babae na ikakasal.