23 nadale ng tipus
QUEZON, Philippines — Aabot sa dalawampu’t tatlo-katao ang iniulat na nadale ng typhoid fever (tipus) dahil sa kontaminadong tubig mula sa deep well sa Barangay Anoling, sa bayan ng General Nakar, Quezon kamakalawa. Sa telephone interview kay Mayor Leovegildo Ruzol, sinabi nito na hindi naman magdedeklara ng typhoid outbreak ang kanilang munisipalidad dahil isang barangay lamang ang tinamaan ng nasabing sakit at sa kasalukuyan ay naagapan naman.
Lima-katao na lamang ang naka-confine sa Claro M. Recto Hospital, habang ang ibang pa ay sa mga local clinic na lamang nagpagamot.
Nagpadala na ng mga mineral at distilled water sa mga residente ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ni Dr. Agrifino Tullas habang nag-chlorination na rin sa ilang deep well.
- Latest
- Trending