MANILA, Philippines - Nadakma na kahapon ng umaga ang dambuhalang buwaya na pinaniniwalaang lumapa sa isang 36-anyos na mangingisda sa ilog ng Sitio Marabalay sa Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza, Palawan noong Hunyo 21, 2011.
Bandang alas-5 ng umaga nang mahuli sa bitag ng mga eksperto sa Palawan Crocodile Farm at Palawan Sustainable Council for Development ang dambuhalang buwaya na sumusukat ng 13.7 talampakan sa ilog ng Brgy. Rio Tuba.
Nabatid na may apat na araw ding binantayan ng mga kinauukulan ang buwaya bago ito mabitag sa bitag matapos na magbalik upang maghanap ng makakain tulad ng manok, baboy at maging tao.
Sa sobrang laki ng buwaya na may timbang na 300 hanggang 400 kilo ay sampung lalaki ang nagtulung-tulong na buhatin ito, piniringan dahil nagwawala kapag nakakakita ng tao at itali sa bangka bago dalhin sa Palawan Crocodile Farm.
Magugunita na nilapa ng buwaya ang mangingisdang si Edwin Lucero sa ilog ng Rio Tuba.