MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 56-anyos na negosyante matapos itong paulanan ng bala ng motorcycle riding in tandem sa kahabaan ng Maharlika highway. Brgy. San Vicente, San Pablo City, Laguna kamakalawa ng hapon.
Sa text message kinilala ni San Pablo City Police Director P/Supt. Ferdinand de Castro ang biktima na si Ramon Preza na nagtamo ng malubhang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Bandang alas-4:30 ng hapon ng maitala ang pananambang sa biktima habang minamaneho nito ang kaniyang Nissan Navarra (ZRS-563) patungong Tiaong, Quezon nang buntutan ng dalawang lalaking magkaangkas sa kulay pula at itim na motorsiklong hindi nakuha ang plaka.
Pagsapit sa lugar ay agad na pinagbabaril ng mga suspek ang behikulo ng biktima saka mabilis na tumakas.
Sa kabila ng sugatan at nahihilo sa tinamong tama ng bala sa katawan ay nagawa pang imaneho ng biktima ang kaniyang behikulo sa Liwag Medical Clinic sa Tiaong, Quezon.
Gayunman, dahilan sa maselan nitong kalagayan ay inilipat ang biktima sa San Pablo City Medical Center kung saan patuloy na isinasalba ang buhay nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng pamamaril sa nasabing negosyante.