Pulis nag-amok sa DOJ safehouse: 2 dedo
MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawa-katao kabilang ang testigo sa kontrobersyal na kaso ng kidnap-for-ransom habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagbabarilin ng isang pulis na naghuramentado sa safehouse ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice kahapon ng umaga sa Zamboanga City.
Sa phone interview, kinumpirma ni Zamboanga City PNP director P/Senior Supt. Edwin de Ocampo na magkasunod na namatay sa ospital sina PO1 Tomas Dauba, nakatalagang bantay sa WPP safehouse na nasa ilalim ng DOJ at ang testigong si Marvin Agullana.
Patuloy namang isinasalba ang buhay ng isa pang testigo na si Mark Ausley.
Lumilitaw na dumating ang suspek na si PO3 Carmelito Macasantos sa naturang safehouse sa kahabaan ng Unity Drive sa Tetuan District.
Nabatid na nagmumura ang suspek habang papasok ng safehouse kung saan nakipagsagutan naman si PO1 Dauba pero biglang bumunot ng baril ang huli at pinagbabaril ang nasorpresang bagitong kabaro sa trabaho.
Hindi pa nakuntento ay idinamay pa sa pamamaril ang dalawang testigo na sinasabing naghahanda para dumalo sa paglilitis sa korte.
Agad namang tumakas si PO3 Macasantos subalit sumuko rin bandang alas-11 ng umaga at itinurn-over sa kustodya ng National Bureau of Investigation.
Sa inisyal na imbestigasyon, personal na alitan ang isa sa motibo sa pamamaril kung saan inihahanda na ang kaukulang kaso laban kay PO3 Macasantos.
- Latest
- Trending