MANILA, Philippines - Umaabot na sa 25-katao ang iniulat na nasawi habang nasa 15 iba pa ang nawawala makaraang gulantangin ang mga residente ng biglaang pagragasa ng tubig-baha noong Martes ng gabi hanggang kahapon ng madaling-araw sa katimugang bahagi ng Davao City.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 11, pasado alas -11 ng gabi hanggang alas-3 ng madaling-araw noong Miyerkules nang manalasa ang flashflood sa Davao City.
Nagsimulang bumaba ang tubig-baha dakong alas-5 ng umaga kahapon.
Kabilang sa mga lugar na sinalanta ng flashflood ay ang mga Barangay Maa, Matina, Pangi, Matina Crossing, Matina Aplaya na nasa Talomo District.
Sa pinagsamang ulat ng PNP, AFP at Office of Civil Defense kabilang sa mga nasawi ay sina John Michael Alvarez, 7; Kenneth Ian Ayag, 4; Beth Amatos, Angelina Paches, 66; Alexander Baricuatro, 4; Jason Saturnos, 3; Rowena Valderosa, 7; Melchin Soreno, 24; John Carlo Alvarez, 3; Jason Aturos, 3; Xandrea Baricuatro, 8; at si Tito Servidad, 53; pawang nakatira sa Brgy. Matina, Pangi District; ang 3-buwang sanggol na si Mark Louie Palomar at ang iba pa na inaalam ang pagkakakilanlan.
Ang flashflood ay sanhi ng pagbuhos ng ulan sa loob ng tatlong oras noong Martes ng gabi kung saan nasa 15,000 pamilya ang nagsilikas sanhi ng pag-apaw ng Matina River habang napinsala rin ang Balusong Bridge.
Nasa 40-pamilya naman ang nawalan ng tahanan matapos na tangayin ng tubig-baha ang mga bahay at ilang sasakyan.
Agad namang nagsanib puwersa ang pulisya, militar at Philippine Coast Guard sa rescue operation kung saan sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Davao City Mayor Sarah Duterte ang relief operation sa mga apektadong residente.