Mister inasido sa mukha saka kinatay

RIZAL, Philippines — Sinabuyan muna ng asido sa mukha saka pinagtataga ang isang hindi kilalang lalaki na natagpuan sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng madaling-araw.

Inilarawan ni P/Supt. Arthur Masungsong ang biktima na nasa edad na 20 hanggang 34, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot pa ng helmet.

Sa ulat ng pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuang nakahandusay sa tabi ng kalsada dakong alas-12:30 ng madaling- araw sa Techno Park Club Manila East Compound sa Barangay San Juan.

Lumitaw na hindi simpleng agaw-motorsiklo lamang ang kaso ng biktima matapos na makita ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na marami itong sugat sanhi ng matalim na itak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang tanggalin ang suot na helmet ay umuusok pa ang mukha ng biktima sanhi nang isinaboy na asido.

Naniniwala ang mga awtoridad na matindi ang galit sa biktima ng mga killer.

Show comments