Kampo ng NPA nakubkob ng militar
MANILA, Philippines - Nakubkob ng tropa ng elite Scout Ranger ang malaking kampo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa liblib na bahagi ng Barangay Aliwagwag sa bayan ng Cateel, Davao Oriental kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Gilbert Saret, commanding officer ng Army’s 25th Infanty Battalion, natisod ng 40-man Scout Ranger unit ng 6th Scout Ranger Company sa pamumuno ni Captain Aunor Balansi ang kuta ng mga rebelde sa kagubatan ng Sitio Carampel.
Ang nasabing kampo ang pinagkukutaan ng Pulang Bagani Command 5 sa ilalim ng Southern Regional Command nina Ka Ade, Jekol at Gilbert na pawang nasa Compostela Valley at Davao Oriental.
Nagresulta sa 3-oras na bakbakan ang pagkubkob kung saan tatlo sa sundalo ang nasugatan habang pinaniniwalaan namang nagtamo rin ng maraming sugatan at mga nasawi ang mga rebelde.
Kinilala naman ni Lt. Col Kiram Azgar Grajo, ng 2nd Scout Ranger Battalion ang mga nasugatan na sina Sgt. Agapito Avarquez, Private First Class Josel Sedrome at PFC Francisco Ligaten.
“The NPA rebels withdrew in complete disarray with their numerous casualties as indicated by heavy pools of blood along the route of withdrawal," ayon pa sa opisyal .
Narekober sa encounter site ang cal 5.56mm, M4 rifle, dalawang cal 5.56mm, M16 assault rifles, dalawang cal 7.62m at M14 assault rifle.
- Latest
- Trending