2 bagitong pulis itinumba ng NPA
BATANGAS, Philippines – Maagang nagwakas sa serbisyo ang dalawang bagitong pulis matapos pagbabarilin ng mga armadong grupo na sinasabing mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Balayan, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director ang mga napaslang na sina PO1 Oliver Ilagan, 28, ng Alitagtag, Batangas at PO1 Christopher Tria, 26, ng Balayan, Batangas at kapwa naka-assign sa 1st Manuever Platoon ng Batangas PNP.
Nabatid na nagsasagawa ng police visibility patrol ang dalawa sa kahabaan ng highway sa Barangay Ermita Junction nang ratratin ng mga armadong rebelde.
“Paparahin sana ng mga pulis ang dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo nang bigla na lang silang paputukan,” pahayag ni Acio.
Kasunod nito, isa pang owner-type jeep na may sakay na mga rebelde ang nagpaputok laban sa mga pulis na nagbabantay sa checkpoint kung saan napuruhan agad si PO1 Ilagan.
Isinugod naman si PO1 Tria sa Western Batangas Hospital pero namatay din dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Matapos ang pamamaril, tinangay pa ng mga rebelde ang L300 patrol vehicle ng pulisya at mga baril ng mga pulis bago sumibad patungong Barangay Lanatan.
Hindi sa inaasahang pagkakataon, napadaan naman ang mobile patrol ng Tuy PNP hanggang sa magkahabulan kung saan nag-panic ang mga rebelde kaya inabandona ang tinangay na sasakyan kung saan narekober ang tatlong cal. 45 pistola.
Narekober din ang Suzuki 125 na motorsiklo (WG 5384) na ginamit ng mga rebelde.
- Latest
- Trending