Extortion ring sa Baguio nabuwag
BAGUIO CITY, Philippines – Nabuwag ng mga tauhan ng National Bureau Investigation-Cordillera ang sinasabing extortion ring na kinabibilangan ng mga opisyal ng Community Environment and Natural Resources Office-Baguio (CENRO) at kasabwat na opisyal ng lokal na pamahalaan sa La Trinidad noong Linggo ng hapon sa isang karinderya sa Barangay Pacdal.
Sa isinagawang entrapment operation ng NBI, nadakma si Forester Victoriano Bilayan, hepe ng Forest Protection Unit sa CENRO-Baguio kung saan naaktuhang tinatanggap ang mark money mula kay Beverly Moyamoy.
Naaresto rin si Engr. Norman Simsim ng La Trinidad engineering office surveyor.
Nabatid na si Moyamoy ay nakipag-ugnayan kay NBI-Cordillera regional director Manuel George Jularbal kaugnay sa extortion ring na kinasasangkutan ng Bilayan.
Inakusahan si Moyamoy na lumabag sa Anti-Forest Law kung saan pinagbantaang makukulong ng dalawang taon kapag hindi nagbigay ng malaking halaga.
Ayon sa biktimang si Moyamoy, pinagbantaan siya ng grupo ni Bilayan kapag hindi nakapagbigay ng P550,000 dahil sa pagputol ng Benguety pine tree sa kanilang compound.
Matapos ang pakikipag-usap ni Moyamoy sa grupo ng suspek kabilang sina CENRO-Baguio, Forest Rangers Mark Chaloping at Antonio Abellera, sinasabing kaparte sa malaking halaga ay nakipag-ugnayan sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang biktima.
Kaagad na inilatag ng NBI ang entrapment operation laban sa mga suspek kung saan nahaharap ngayon sa kasong robbery with intimidation, graft and corruption (RA 3019), at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713).
“We are not condoning (these),” pahayag ng hepe ng CENRO-Baguio na si Ed Flor kung saan nakipag-ugnayan na rin sa kanya ang biktima bago pa madakma ang mga suspek. Artemio Dumlao
- Latest
- Trending