VIGAN CITY, Philippines – Pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng revolutionary tax sa mga rebeldeng New People’s Army kaya pinasabog ang malaking bodega ng tabako kahapon ng madaling-araw sa bayan sa Ilocos Sur. Sa police report ng Sta Cruz PNP na pinadala kay P/Senior Supt. Reyante Partible, Ilocos Sur PNP director, napag-alaman na pinasok ng mga ‘di-pa nakikilalang armadong kalalakihan ang pinakamalaking bodega ng tabako sa Barangay Sidaoen sa bayan ng Sta.Cruz. Ilang minuto ang nakalipas ay narinig ang malakas na pagsabog at sabay na pagpaputok ng mga armado sa gate ng bodega saka tumakas lulan ng mga motorsiklo na putungo sa mountainous area. Hiniling ni Administrator Edgardo Zaragoza ng National Tobacco Administration sa mga awtoridad ang masusing imbestigasyon kasabay ng paniniguro niya sa publiko na ginagawa ng NTA ang lahat para 'di-maapektuhan ang kasalukuyang bilihan ng tabako sa probinsiya. Hiningi rin ni Zaragoza ang tulong ng kapulisan para mabigyan ng security assistance ang mga tobacco trading centers para 'di-maulit ang pangyayari.