Kriminalidad, anomalya umiiral sa Lucban
(Ikalawang bahagi)
QUEZON , Philippines — Nang mapalitan ang hepe ng pulisya sa Lucban ay kaagad namang nagsadya ang ilang barangay chairman na kaalyado ng alkalde, kasama ang hepe na Pasno at BPOC chairman na alyado ni Villaseñor upang hilingin naman ang agarang pagbawi kay Dator sa nasabing Komite.
Samantala, bukod sa suliranin sa peace and order, may iba pang kinakaharap na problema si Mayor Moises “Bonbon” Villaseñor, ang sinasabing pinakahuli ay ang slander case na isinampa laban sa kanya ni Councilor Oliver Dator na nakatakdang dingin sa Lucban Municipal Trial Court sa Hunyo 3 ng umaga.
Ang kaso ay nag-ugat sa lantarang paninirang-puri ni Villaseñor kay Dator kahit sa harap ng mga kawani ng munisipyo sa regular flag raising ceremony at sa mga okasyong dinadaluhan ng punumbayan.
Ayon kay Dator, maaring kaya nagagawa ito ng alkalde ay dahil sa ginagawa niyang pagbubulgar sa mga umiiral na iregularidad na kanyang napansin mula nang maupo siya bilang konsehal noong 2010.
Una nang pinuna ni Councilor Dator ang ipinasarang Rizal Avenue – ang kalye sa tabi ng munisipyo na ginawang parking lot at isinara sa mga motorista at publiko nang wala namang basehang ordinansa.
Nang ihain ni Dator sa sesyon ng konseho upang hilingin sa alkalde na pabuksan ang naturang kalsada, ni hindi siya nakaporma dahil katwiran ng ilang konsehal ay ‘baka naman isipin ng ating kagalang-galang na Punumbayan na masama ang ating palagay sa kanyang pagpapasara sa kalyeng ito.
Natalo sa botohan ang mungkahing kahilingan ni Dator subalit hindi dito nagtapos ang usapin.
Lumiham si Councilor Dator kay DILG Sec. Jesse Robredo noong Hulyo 26, 2010 upang ilahad ang sitwasyon ng kawalan ng ordinansa ng pagpapasara ng Rizal Ave.
Kaya noong Nov. 23, 2010, inatasan ni Atty. Jesus Doque IV, director III ng DILG, si Mayor Villaseñor na agad na gumawa ng nararapat na hakbang tungkol sa naturang isyu.
Kaya mula noong Nobyembre 2010 ay binuksan na sa publiko ang Rizal Ave. at isinasara lamang kapag dis-oras ng gabi o may banta sa seguridad ng bayan.
- Latest
- Trending