1-anyos todas kay tatay

MANILA, Philippines - Pinatay sa bugbog ng umba­gerong ama na sinasabing dating drug addict ang batang lalaking anak nito sa kaniyang live-in partner matapos na hindi maawat sa pag-iyak sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Lupa, Barangay Sapangdaku sa Cebu City, Cebu noong Linggo.           

Inaresto ng mga awtoridad at nahaharap sa kasong parricide ang suspek na si Restituto Ibo Jr., 21, matapos mapatay si Patrick Bantilan, 1-taon at dalawang buwang gulang.

Base sa police report, naiwan si Restituto at anak nitong si Patrick sa kanilang tahanan matapos na umalis ang ina ng bata na si Cara Freciosa Ban­­tilan, 25, para maglaba ng kanilang maruruming damit sa ilog.

Lumilitaw na nagalit ang suspek dahil ayaw paawat sa pag-iyak ang anak habang nanonood ito ng telebisyon sa kanilang tahanan.

Dito tumindi ang galit ng suspek kaya pinagsasampal, pinagsusuntok ang bata at inuntog nang inuntog sa dingding ang ulo.

Nabatid na ang bata ay may  bali sa kaniyang balikat bunga ng naunang pananakit ng suspek na laging pinagdidiskitahan ang iyakin at masasakiting anak.

Gayon pa man, tinungo ng suspek ang kinaroroonan ng kanyang live-in partner at nang umuwi ang ina ng bata ay naghihingalo na ang anak na may palatandaang ginulpi kung saan inabutan pa nito ng tubig subali’t tuluyan na itong binawian ng buhay.

Nadakma naman ang suspek habang naglalakad Sa bisinidad ng V. Rama Englis Avenue.

Inamin naman ng suspek ang brutal na ginawa dahil nawala na ang kanyang pasensya subalit hindi niya intensyong mapatay ang bata

Nabatid na kakasuhan pa rin ng pulisya ang suspek kahit na pinatawad ng kanyang live-in partner na si Cara.

Show comments