Bus vs van: 9 sugatan

MANILA, Philippines - Siyam katao kabilang ang isang pastor na Korea­no ang naitalang sugatan matapos na magbanggaan ang isang pampasaherong mini bus at kasalubong nitong van sa national highway sa Padre Burgos, Quezon kamakalawa.

 Kinilala ang mga biktima na sina Paul Hou, Korean Pastor; Ryosun Jong, Carlos Pachires, Desmund Ang at Nang Sao Chan; pawang Korean national na lulan ng kulay puting L 300 van (WPB-207).

Ang iba pang mga nasu­gatan ay sina Ronnie Torres, Charlie Punferrida, Flora Calleja at isang tinukoy lamang sa pangalang Teresa; pawang mga pasahero ng mini bus na Ronna Ryan Transit (DWX-796) na minamaneho naman ni Gerry Dia. Ang mga nasu­gatang biktima ay isinugod sa MMG General Hospital sa Lucena City upang malapatan ng lunas.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang banggaan ng dalawang behikulo sa national highway ng Brgy. Duhat, Burgos, Quezon dakong alas-11:30 ng umaga.

Kasalukuyang bumabagtas sa nasabing lugar ang mini bus na patungong Lucena City nang aksidenteng salpukin nito ang van na sinasakyan ng mga bakasyunistang Koreano.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng grabeng sugat sa mga katawan ang mga Koreanong sakay sa van habang sugatan rin ang ilang pasahero ng mini bus.

Nahaharap ngayon sa kasong multiple serious physical injuries at damage to property ang driver ng mini bus na pinaghahanap ng mga awtoridad matapos itong tumakas.

Show comments