MANILA, Philippines - Pinalaya na kahapon ang 12 iba pang nalalabing bihag kabilang ang mga opisyal ng DepEd, guro at estudyante sa kagubatan ng Barangay La Purisima, bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur.
“All hostages have been released unharmed. The Crisis Management Committee (CMC) had done its job properly,” pahayag ni PNP chief Director General Raul Bacalzo na nagtungo mismo sa Agusan del Sur upang isuperbisa ang ligtas na pagpapalaya sa mga bihag. Nagtungo rin sa Agusan del Sur si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.
Kabilang sa mga pinalayang bihag ay sina Narciso Oliveros, district supervisor; Apolonio Alibangbang, principal ng La Purisima Elementary School; Filipina Quitoy, guro sa Gacub Primary School; Arnold Quitoy, Joel Sausa, district property custodian; Manuel Mordero, guro ng New Maasim Elementary School; Mary Jane Bedrijo, volunteer pre-school teacher; Allan Galdiano, guro; Rio Binambang, Galvan Vocales, drayber ng habal-habal na si Daidy Rodriguez, at isang 8-anyos na batang lalaki.
Bandang alas-9 ng umaga nang makarating sa bahay ni CMC Head Prosperidad Mayor Albin Magdamit ang mga pinalaya na ineskortan nina Fr. Carlito Clae, Provincial Social Workers Development Chief Josefina Bajade, 402nd Army Brigade Commander Col. Rodrigo Diapana at Caraga Regional Police Office Director P/Chief Supt. Reynaldo Rafal.
Napag-alamang inabandona ang mga bihag sa kagubatan ng Sitio Balete, Brgy. La Purisima, dakong alas-6 ng umaga kung saan ang mga ito pinakawalan.
Ang mga bihag ay dinukot ng grupo ni Alan Perez, kapatid ng nakakulong na si Ondo Perez, lider ng Manobo tribe na humihiling na pakawalan si Ondo mula sa Agusan del Sur Provincial Jail kaugnay ng pagdukot sa 79-katao.
Wala namang nasaktan sa mga bihag maliban sa mga galos at kagat ng insekto na ilang araw na pananatili sa kagubatan matapos na dukutin sa graduation ceremony sa Barangay Purisima noong Biyernes ng hapon (Abril 1).
“As for the kidnappers, our troops are now pursuing them as we hope to bring them to justice the soonest possible time. Our laws should be wieded in a manner with which they shall be fully made accountable for their crime,” dagdag pa ni Mayor Magdamit. Dagdag ulat nina Ricky Tulipat at Mer Layson