MANILA, Philippines - Labing-apat na guro at dalawang estudyante ang hinostage at tuluyang tinangay sa bundok ng Manobo tribal gang na sumalakay sa isang graduation ceremony sa isang eskuwelahan sa La Purisima, Prosperidad, Agusan del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 13 Director Chief Supt. Reynaldo Rafal, nagsimula ang pangho-hostage pasado alas-4 ng hapon nitong Biyernes at hanggang sa kasalukuyan sa isang elementary school sa Sitio Gacub, Brgy. La Purisima sa bayang nabanggit.
Kabilang sa mga hostage ay walong opisyal ng Department of Education na sina Narciso Oliveros, District Supervisor; Division Superintendent Hipolito Lastimado; Principal Apolonio Alibanbang; Property Custodian Joel Sausa; mga gurong sina Manuel Mordeno, Filipina Quitoy, Allan Gallano at Diosdado Cabantac gayundin ang volunteer na gurong sina Mary Jean Bedrijo, Arnold Quitoy, Pido Dolorito, Gerlie Monticalbo, Maricel Lagnazon at Shen-shen Cabagtag.
Hindi naman natukoy sa ulat ang pangalan ng dalawang estudyante na hawak ng grupo ni Ondo Perez, ang nakakulong na lider ng umatakeng tribal gang na pinamumunuan nina Reyjoy Brital, Ilad Pere at Toto Navarro.
Nabatid na katatapos lamang ng graduation ceremony sa nasabing eskuwelahan nang sumalakay ang mga armadong tribal gang at i-hostage ang mga biktima na isinakay ng mga ito sa dalawang behikulo patungo sa kagubatan.
Ayon kay Sr. Supt. Jerome Baxinela, Provincial Director ng Agusan del Sur Police, nag-demand na ang grupo para palayain sa kulungan ang kanilang lider na si Perez at tatlo pang kasamahan kapalit ng kalayaan ng mga hostage victims.
Humingi rin ang mga ito ng pagkain, tubig para sa mga bihag at iba pang personal na pangangailangan ng mga hostage.
Si Ondo Perez at tatlo pang tribal gang member ay kasalukuyang nakakulong sa Agusan del Sur Provincial Jail bunga ng pagkakasangkot sa kidnapping ng 79 residente sa Brgy. Maitum, Prosperidad ng lalawigang ito noong Disyembre 2009.
Samantala, umapela na rin si DepEd Secretary Armin Luistro sa mga kidnapper na palayain ang mga biktima ng walang kapalit na kondisyon kasabay ng pagkondena sa insidente.
“It is very disturbing that teachers who offer their lives for the community always fall victim to these crimes,” ayon kay Luistro sa isang kalatas.