BULACAN ,Philippines – Pinaniniwalaang away sa inaalagaang sasabunging manok kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang dalawa-katao sa Barangay Matictic sa bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng umaga.
Isa sa napaslang ay ang katiwala sa manukan na si Romeo Tumage, 49, habang ang isa ay 'di-pa kilala na sinasabing nakasaksi sa pagpatay kay Tumage kaya pinatahimik din. Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na sina Jessie Rombines, 20; at isang alyas Rambo, 20, kapwa nakatira sa bulubunduking bahagi ng Barangay Matictic.
Base sa imbestigasyon ni PO2 Dwight Danao, lumilitaw na nairita ang dalawang suspek sa katiwala sa manukan dahil sa kalimitang paninita sa hindi tamang pag-aalaga ng manok.